6.11.10

Ang Suki Ni Aling Pimple

Ang ganda ng gising mo! Medyo may hangover ka pa sa panaginip mo pero pinilit mo nang bumangon para maghilamos. Tumingin ka sa salamin nang biglang... Oh shet na malagket! May pimple na sumulpot!

Pimple. Zit. Tagihawat. Punggod. Tigidig kung tawagin kapag dumami. Maraming mga Pilipino ang problemado dahil dito. Kadalasan sa mga teenagers. Marami siguro ang sasang-ayon kapag binansagan natin itong "Public Enemy No.1". Sa dinami-daming masasamang resulta ng pimples, heto ang ilan:


Mountains. Ito na mismo 'yong pimple na nakikisiksik sa mukha mo ng libre. Ipanalangin mo na lang na hindi na madagdagan ang taas para hindi gaanong halata.

Vocanoes. Mountain din ito kaya lang hindi nakuha sa dasal kaya naisipan mo nang pasabugin. Warning! Baka maimpeksyon ka. Dito na ang part na dadanak ang dugo.

Hills. Ito naman iyong mga lumiit na pimple pero nanatiling nakausbong. Elevated o raised pimple scar ang tawag dito.

Ashes. Nawala na ang pimple pero pinanlitan naman ng dark spot na sobrang tagal bago mawala. Epekto daw ito ng pagpapasabog ng bulkan. Ang susunod mong ipagdadasal ay manatiling ka-level ng balat mo ang mga dark spots na ito.

Craters. Ito na 'yong dating mga pimples na sapilitan mong pinalayas. Ang resulta? Napalakas yata ang pagsabog ng bulkan kaya nakalikha ng hukay. Kailangan mo pa ng surgery para mawala ang mga ganitong depressed pimple scars.

Rocky Road. Tawag sa mukha na naparami ang nangungupahang mga tagihawat. Kung ita-translate mo sa Filipino, ang tawag dito ay tigidig.

Very Rocky Road. Combination ito ng mga nasa itaas. Kumpleto lahat. Pwede nang mag-reunion.

Full-packed. Ito na ang kondisyon na hindi na magkakaroon ng bagong pimples ang isang tao dahil wala nang mapwestohan. Para bang tinipon mo sa iyong mukha ang buong populasyon ng Pilipinas. E over populated na tayo kaya 'yon, wala nang space kahit sa anay.

Ang laki talagang problema ang mga pimples na 'yan. Maswerte ang ibang tao kasi sa katawan lang sila nagkakaroon at wala sa mukha. Ang iba naman, wala sa bokabularyo ang salitang pimple. Napakaswerte! Ganyan ang mga taong wala masyadong problema sa buhay at hindi nai-stress. Parang 'yong mga jueteng lords. Paupo-upo at simpleng pa-cute lang. Idagdag pa natin ang mga opisyal na nagpapanalo lang sa eleksyon at pagkatapos ay lumipad na sa ibang isla. Ewan ko lang kung nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin o sumasahod na lang sila tuwing araw ng sweldo. Qualified din dito ang mga professors na kwento lang nang kwento ng talambuhay nila sa oras ng klase. Ayos! May matutunan man ang mga estudyante o wala, may sweldo pa rin sila. Teka! Idagdag na rin natin ang mga matitipuno at malalakas na mga tao sa lansangan na walang ginagawa maghapon kundi ang sumahod sa mga dumadaan. Sayang ang pagka-macho. Hindi naman makadiskarte ng trabaho. Ilagay na rin natin ang mga taong ang iniisip lang ay kung papaano nila uubusin ang kanilang pera. Marami pang pwedeng idagdag sa listahan ng mga hindi nagkaka-pimples. Kung may naiisip ka pa, i-comment mo na lang.

Ang nagpapalala pa sa sitwasyon ay kung paano iiwasan at gagamutin ang mga tagihawat. Magdadalawang-isip ka pa kung hahayaan mo na lang ba ang mga ito para hindi na magkaroon ng peklat. Para wala nang gulo. Kung wala ka namang gagawin, parang sinabi mo na rin na ayos lang na magka-pimples ka. Pwede ka namang magpahid ng kung anu-anong produkto. Kaya lang kapag hindi umepekto, para ka lang nagpabawas ng sweldo sa employer mo pero hindi iniremit sa insurance company. Parang wala lang. Mahirap talagang umiwas sa mga tagihawat. Kailangan mo pang suriin ang mga kinakain mo. Bawal ang sobrang malangis. Bawal ang sobrang mahalang. Pati mga lugar na pinupuntahan mo apektado. Bawal sa maalikabok. Bawal din magbilad ng sobra sa init ng araw. Maraming bawal kaya nalilimitahan ang bawat galaw mo. Kung anu-ano pa ang ipapahid mo sa iyong mukha makaiwas ka lang dito. Mas mahirap na kung paano mo ito gagamutin kapag nagkaroon ka na ng tagihawat. Paano mo tatanggalin ang mga marka? Paano mawawala ang mga peklat? Babalik pa ba ang lahat sa dati? Ikaw, suki ka rin ba ng mga tagihawat?

4 comments:

  1. salamat sa pag-adventure sa site ko... you've got nice site too... keep it up! Happy trip!

    ReplyDelete
  2. Napadaan lang. Nice ng blog nato. :D

    ReplyDelete
  3. Sige. Maraming salamat sa pagdaan mo. :)

    ReplyDelete