26.11.10

12:15

Eksakto twelve noon na! Para akong ini-stalk ng limang bakang ulol sa aking paglalakad palabas ng subdivision. Baka kasi ma-late na naman ako sa 1:00pm kong klase. Pagkalabas ng gate, agad akong nagpwesto sa pinakamalapit na waiting shed. Para akong pumasok sa malaking oven. Ang banas! Isang minuto. Tatlo. Lima! Aba, teka! Bakit ang tagal dumaan ng mga kumakarag na dyip? Kadalasan naman, mabilis pa sa bibig ni Melai Cantiveros ang paghihintay ko ng jeep. Pinag-aagawan agad ang kakyutan ko ng mga drayber na uhaw sa pasahero. Nasan na sila? Sana lang pwede akong tumawag ng private jet para makaabot ako sa pagsisimula ng klase ko. Magkano ba ang arkila ng jet?


Sumilong sa isang kanto ng waiting shed ang isang mama na mukhang sumuot sa kanal. Baka holdaper 'to ah! Kinapa ko bolpen ko sa loob ng bulsa ng pantalon ko kung sakaling sumunggab siya sa akin. Ewan ko kung bakit bolpen ang naisip kong hawakan. Kahit ano basta hindi ko ipapangsanggalang ang bago kong bag. Mahirap na. Pero sabagay, a pen is mightier than a sword 'di ba? Hehe. Wala naman siyang ginawang panunutok ng kutsilyo. Aha! Ito yata ang nag-aayos ng baradong kanal! Tama, siya nga! Inalis ko ang pagka-paranoid ko. Hinubad niya ang kanyang damit at pinalitan ng malinis. Dinukot sa labit-labit na bag ang isang bote ng iced tea na halata namang tubig ang laman. Nilagok. Sabay sambit ng "Aaahhh! (with emotions)" pagkatapos. Feeling endorser ng clear na iced tea si manong. Teka, teka. 'Yong jeep nga pala. Wala pa rin. Haaay! Lord, sana makasakay na ako. Kahit anong mangyari, kailangan kong makasakay na ng jeep.

Isa pang manong ang sumilong sa waiting shed. Mukhang tindero. Mukhang walking ukay-ukay. Itinaas niya ang mga nakasabit sa kanyang magkabilang braso at inalok ako, "Belt?". Umiling ako. Ayoko po. Sabay ngiti. Wallet? Hindi po. Shades? Iling ulit ako. Kung anu-ano pa ang inalok n'ya hanggang dumating sa puntong halos nabaybay na niya lahat ng itinitinda n'ya. "Ay!" Nagulat s'ya. Parang pinaghalong "kinakati ang kili-kili" at "nakita si Frankenstein" ang kanyang itsura. Dinukot ang kaliwang bulsa at hinugot ang isang kwintas na nakalagay sa plastik ng ice candy. Inilabas sa plastik. Inilapit sa mukha ko na halos maduling ako. "Ito oh! Pure silver. Bagay na bagay sa'yo pang-porma. P300 lang." Pinagmasdan ko. Parang 'yong pang-leeg lang ng aso ko. Mas mahaba lang 'to at kumikinang. Tumanggi na naman ako. "Sige na 'toy. Stainless 'to. Hindi kinakalawang. Ibigay ko na lang sa'yo ng P250. Mga P400 'to kapag sa mall mo bibilhin." Umiling ako. Sabay sabing: "Akala ko po ba pure silver?". Sumagot naman s'ya agad. "Pareho lang naman 'yon di ba? Ito talaga!" At ngumisi sabay puslit papalayo. Haaay, salamat. Shet! Nahilo ako doon ka-iiling ah! Tumutulo na ang pawis ko. Grrr! Mapapahid ang polbo ko!

NASAAN BA ANG MGA JEEP? Ngalay na ako katatayo. Bigla namang nagsalita ang si manong endorser ng fake iced tea. "Boss anong oras na?" Inaninag ko muna ang aking relo at pinag-isipan kung may advance ba 'yon? Wala pala. 'Yong isa pala ang merong advance. Binanggit ko ang oras sa manong na naghihintay ng sagot. Twelve fifteen po. Muntik pa akong mabulol sa magkasunod na "v" at "f". Pero maganda pa rin ang pagkaka-pronounce ko. Inulit niya ang tanong. May motor yatang dumaan nang sinabi ko ang oras. Inulit ko. Twelve fifteen po. May tanong pa rin sa kanyang mukha. Hindi ko alam kung hindi lang niya ulit naintindihan ang sinabi ko o kung nakukyutan lang siya sa akin. Naisip kong gawing simple ang pagbigkas. Twelb piptin po. Aray! Sagwa! Patay ako nito kapag narinig ako ng English teacher ko. "Ano ulit?", sabi niya. Sabihin ko kaya sa Tagalog. Tama, Tagalog nga! Pero teka! Ano nga bang Tagalog sa Twelve fifteen? Ika-dalawampu at labin-limang minuto? Haha. Ano ba 'yan. Hindi ako sigurado. Pilipino pa ba ako? Ahah! Spanish na lang! "Alas doce y quince po." Tumango siya at nagpasalamat. Success! Pero nagsinungaling ako sa kanya. Dahil sa mga translations ko, nakaturo na ang mga kamay ng relo ko sa 12:16 pm. Okey lang. Maliit naman ang difference. Insignificant!

At sa wakas. AT SA WAKAS! May dumaan nang jeep! Haaay! I love you, Lord! Pumasok ako at nagmasid kung saan may mauupuan. "Paki lapat-lapat na po d'yan sa kaliwa. Kasya pa 'yan.", pilit ng drayber. Nag-move sila at may sumulpot na maliit na pwesto sa may gitna. Umupo ako. Takte! Kalahati lang ng pwet ko ang kasya. Gusto ko sanang bawiin ang pag-aylabyu-aylabyu ko. Pero teka. Naalala ko ang hiniling ko kanina. Be careful what you wish for 'cause you just might get it, you just might get it, you just might get it. - Pussycat Dolls







:)

No comments:

Post a Comment