♫
Can you meet me halfway,
Right at the borderline?
That's where I'm gonna wait
for you
I'll be lookin' out
night and day
Took my heart to the limit,
and this is where I stay
♫
Can you meet me halfway,
Right at the borderline?
That's where I'm gonna wait
for you
I'll be lookin' out
night and day
Took my heart to the limit,
and this is where I stay
♫
Pinaglalaban ng aking isipan ang kantang 'yan habang nababalot ang buong lugar ng "Love The Way You Lie" ni Rihanna. Sa bawat tunog na pinakakawalan ng speaker, masasabi kong may kalumaan na ito. Parang napilitan lang mag-rap si Eminem habang may sipon. Mahigit kalahating oras na ang nakalipas pero nakatapak pa rin ang aking black leather shoes sa parehong lugar simula kanina. Sa kinakalawang na sahig na pinatungan ng manipis na sapin gawa sa goma. Sa gitna ng bus. Conscious pa rin ako sa poise ko kahit alam kong medyo bumagal ng takbo ng bus at madadagdagan pa ang tagal ng pagtayo ko dito. Pagkatapos kasi ng maeksenang pagpreno kanina ni manong drayber, nagdahan-dahan na siya sa pagpapatakbo ng bus para siguro ipakita sa mga nanlilisik na matang nakatitig sa kanya na maingat na siya sa pagmamaneho. Sa tingin ko, kating-kati na siyang takpan ang nakapinturang mensahe sa may pintuan ng bus na nagsasabing: "How's my driving?" at contact numbers ng operator at LTFRB. Sinuyod ko na naman ng tingin ng mga pasahero. Sino kaya sa kanila ang maglalakas-loob na itsismis ang mga kinauukulan? At mas mahalaga, sino kaya sa kanila ang naka-register sa Unlimited Texts? Kung hindi ka maka-relate sa mga salitang nababasa mo, malamang hindi mo pa nababasa ang unang parte ng istorya. Kung hindi pa nga, pindutin mo muna ang ebak. Wag kang mag-shortcut Brod! Masama sa kalusugan ang lahat ng instant.
Ilang sadali pa ang lumipas nang matanaw ko ang paraiso. May isang maaliwalas at malawak na cottage na napapalibutan na puting tela, isang duyan na gawa sa nilalang rattan, mga ligaw na halamang gumagapang sa hindi mabilang na butil ng buhangin, at ang orange na araw na unti-unting sumasawsaw sa dagat. Idagdag pa ang isang maliit puno ng niyog na halatang dinagdag lang sa karatula gamit ang Photoshop. Oo. Karatula lang ng isang beach resort ang natatanaw ko. Sa ibaba ng karatula ay isang mensaheng maingat na inimprenta gamit ang itim na tinta. "You're just 1 kilometers away from the paradise." Hindi 'yan typographical error. Pinadami lang talaga nila ang isang kilometro. Medyo gumaan ang aking pakiramdam nang huminto ang bus sa tapat ng karatula. Hindi dahil sa maaliwalas na eksena ng sunset pero dahil ang karatulang ito ang palatandaan na nangangalahati na ako sa aking isang oras na byahe na sigurado akong hindi lang isang oras ang itatagal.