7.11.10

Miss, Earphone Nga!

Nagsasagip ako noon ng mga naglalangoy na cereals sa malamig na gatas nang bigla kong maisipang mag-soundtrip. Ayos! Makakapag-emote ako habang nanguya ng pambatang cereals. Binuhay ko ang PSP at ipinasak ang dalawang earphone sa magkabilang tenga. Handa na akong ihampas sa hangin ang aking ulo pero wala akong marinig na tunog. Ano ba 'yan? Nalumod ko muna ang nginunguya ko bago ko na-realize na sira na naman pala ang earphone ko. Hay buhay! Ganito talaga siguro 'pag hindi orig. Madaling masira.

No way! Hindi ako makakatiis na walang music sa isang araw ng buhay ko. (Yeah, drama mo boy!) Kaya kinahapunan, kahit mainit-init pa ang pwetan ko galing sa klase ay dumiretso na ako agad sa mall. Swerte namang may natanaw kaagad akong earphone sa isang tindahan ng laruan. Sakto pa't kahanay ng mga PSP. Tinitigan ko muna ang earphone na nahaharangan sa isang nakakandadong salamin.


"Miss!"

"Hello Sir! Good afternoon po!"

Sabay abot ng isang leaflet. Tinanggap ko naman. Sayang! Pwede ring pandagdag sa ipapakilong papel sa junk shop.

"Ah Miss, magkano kaya itong earphone na pang-PSP. 'Yong may remote control. Hindi ko kasi makita ang price."

"Ano po?"

Inulit ko lang ang sinabi ko. At sinagot niya ako ng isa pang tanong.

"Bibili po kayo, Sir?"

Speechless ako. Dinaan ko na lang sa titig. Parang si John Lloyd Cruz lang sa Imortal. Makuha ka sa tingin ang drama. Epektib naman! Kinapa-kapa n'ya ang bulsa n'ya. Nagpaikot-ikot. Nagpalingon-lingon. At bigla na lang umalis. Inikot muna yata niya ang buong tindahan bago siya bumalik sa akin.

"Sorry po Sir. Hinanap ko pa ang susi. Ano nga po ang tinatanong ninyo?"

"Earphone po."

Sinusian niya. Kinuha ang earphone mula sa mga kasama nito at waring nag-lecture muna tungkol sa produkto. Nang maramdaman kong mahaba-haba na rin ang talumpati niya e, pinutol ko na.

"Miss, compatible ba 'yan sa PSP?"

"Yes Sir. Pwede rin po itong gamitin sa MP3, cellphones, etc, etc...pero pang-PSP lang po talaga 'yong remote control na nakakabit."

At para matigil na ang pagtalsik ng laway niya sa mukha ko...

"Sige bibilhin ko na."

Akala ko tapos na, pero...

"Ano po bang color preference n'yo, Sir?"

"Black lang naman ang available, 'di ba?"

Natigilan sandali. Tiningnan ang mga earphones.

"Ay, oo nga! Gusto n'yo pong i-test?"

"Sige. Sa cellphone na lang. HIndi ko dala ang PSP e."

"Ah! May PSP po pala kayo."

Speechless na naman ako. Hinatid pa n'ya ako sa counter at dumiretso pa rin sa pagsasalita. Kung anu-ano ang inikwento. Kung anu-ano ang itinanong. Lumingon-lingon ako sa paligid para ma-check kung nasa loob ba ako ng studio ng isang talk show. Ipinakita ko na lang sa kanya ang naggagandahan kong mga ngipin at umalis pagkakuha ng binili kong earphone. Haaay! Sa wakas.








2 comments:

  1. Wahahahaha natawa ako dito! Mukhang naka-drugs si ate. =))

    ReplyDelete
  2. hahaha medyo may pagkatanga ata yung tindera.. wahehehe... salamat sa pagfollow...

    ReplyDelete