6.11.10

Saang Kweba Nagtago Si JT?

Teka teka! Sino nga ba itong nawawala na itinago ko sa initials na JT? Si Justin Timberlake? Hmmm...mali! John Travolta? James Taylor? Mali pa rin. JRR Tolkien? Ooops! Hindi pa rin. Sirit na? Kung sila ang naiisip mo, malayo ka sa tamang sagot. Dahil ang JT na gusto kong hanapin ay taga Pilipinas pero hindi ko lang sure kung ipinagmamalaki siya ng mga Pinoy. Sige na nga. 'Wag na nating patagalin pa. Ang tinutukoy kong JT ay walang iba kundi sa Juan Tamad! Kung hindi mo siya kilala, magtaka ka na kung sa lupa ka pa ba ng Pilipinas nakatapak. Pero sige para may konting background checking. Si Juan Tamad ang lalaking bumibida sa ilang folklore at jokes ng mga Pinoy na kilala sa kanyang pagiging, well, tamad. Ang kanyang mga istorya ay karaniwang binabalot ng katatawanan. Hindi talaga Tamad ang apelyido n'ya. Pero alam mo naman dito sa Pilipinas, lahat halos ng tao may codename o alyas 'pag dumating ang oras ng kulitan at asaran.

Pwede siguro nating ikumpara si JT kay Tom Sawyer pagdating sa adventures. Sa unang basa ng mga pakikipagsapalaran niya, matatawa ka. Sa ikalawa, siguro magagawa mo pang ngumiti. Sa ikatlo, pwede na siguro ang ngiting-aso. At sa ikaapat, lima, anim, pito, walo...siguro ay wala ka nang reaksyon. Nagsawa na nga ba ang Pinoy sa istorya ni JT kaya maraming mga bata sa ngayon ang hindi siya kilala? Pero kahit ganoon, pwede pa naman siguro nating mahanap si JT. Dahil sa panahon ngayon, maraming mga tulad ni JT!


Magsimula ka sa bahay ng Pilipino. Siguro ay isa ka rin sa mga nabansagang "Juan Tamad" nang minsang hindi mo sundin ang utos ng magulang mo. O di kaya naman ay noong kumain ka ng nakahiga habang nanonood ng TV. Nagmistulang panakot ng matatanda si JT para pasunurin ang mga bata. Kung ayaw mong maging si Juan Tamad, kumilos ka! Kung hindi mo man siya mahanap sa bahay mo o ng kapitbahay mo, pumunta ka sa kagubatan at humanap ka ng puno ng bayabas. Isa ito sa mga trademarks ni JT. Award-winning nga naman ang paghiga niya sa tapat ng bunga ng bayabas para hintayin itong malaglag sa halip na pitasin ang naturang bunga. Sabagay, bakit pa nga naman magpapagod kung pwede namang mag-relax na lang at hintayin ang biyaya nang walang kahirap-hirap. Parang 'yong ibang employees lang 'yan kung tutuusin. Relax na relax na sa trabaho, sobra-sobra pa ang sweldo, sobra-sobra pa ang compensations, at kung anu-ano pa ang benefits at privileges na nakukuha. O, san ka pa? Hindi lang hinog na bayabas ang nasasambot nila. Kung hindi mo pa rin mahanap si JT sa bayabasan o kung wala kang nahanap na puno ng bayabas, may isa ka pang destination - ang dalampasigan! Bakit sa beach? Dito kasi nagtakbuhan ang mga talangkang inutusan ni JT na maglakad papunta sa bahay nila. Sino nga ba naman ang mag-uutos sa mga talangka? Pero pwede rin. Tingnan na lang natin ang ating mga pinuno ang mga inaatasan nilang mga opisyales. Alam kaya ng mga opisyales na ito ang kanilang ginagawa at dapat gawin? O baka naman para lang silang mga talangka ni JT? Baka naman sila pa ang namumuno ng kasamaan at kamalian? Sa ngalan ng mga bituing parang glitters, 'wag naman sana!

Kung hindi mo pa rin mahanap si JT, may isa ka pang option. Actually, marami pa. Kahit saan pwedeng magtago si JT. Pero kung wala kang maisip, ganito na lang ang gawin mo. Tumingin ka sa harap ng salamin at magtanong ka sa sarili mo: "Ako ba si JT?".

No comments:

Post a Comment