Teka teka! Sino nga ba itong nawawala na itinago ko sa initials na JT? Si Justin Timberlake? Hmmm...mali! John Travolta? James Taylor? Mali pa rin. JRR Tolkien? Ooops! Hindi pa rin. Sirit na? Kung sila ang naiisip mo, malayo ka sa tamang sagot. Dahil ang JT na gusto kong hanapin ay taga Pilipinas pero hindi ko lang sure kung ipinagmamalaki siya ng mga Pinoy. Sige na nga. 'Wag na nating patagalin pa. Ang tinutukoy kong JT ay walang iba kundi sa Juan Tamad! Kung hindi mo siya kilala, magtaka ka na kung sa lupa ka pa ba ng Pilipinas nakatapak. Pero sige para may konting background checking. Si Juan Tamad ang lalaking bumibida sa ilang folklore at jokes ng mga Pinoy na kilala sa kanyang pagiging, well, tamad. Ang kanyang mga istorya ay karaniwang binabalot ng katatawanan. Hindi talaga Tamad ang apelyido n'ya. Pero alam mo naman dito sa Pilipinas, lahat halos ng tao may codename o alyas 'pag dumating ang oras ng kulitan at asaran.
Pwede siguro nating ikumpara si JT kay Tom Sawyer pagdating sa adventures. Sa unang basa ng mga pakikipagsapalaran niya, matatawa ka. Sa ikalawa, siguro magagawa mo pang ngumiti. Sa ikatlo, pwede na siguro ang ngiting-aso. At sa ikaapat, lima, anim, pito, walo...siguro ay wala ka nang reaksyon. Nagsawa na nga ba ang Pinoy sa istorya ni JT kaya maraming mga bata sa ngayon ang hindi siya kilala? Pero kahit ganoon, pwede pa naman siguro nating mahanap si JT. Dahil sa panahon ngayon, maraming mga tulad ni JT!