13.11.10

Bangungot

Bzzzt! Bzzzt! Parang tunog ng barena. Bzzzt! Heto na naman. Nararamdaman kong nanginginig ang buo kong katawan. Pinipilit ko pero hindi ako makagalaw. Hinihirap ako sa paghinga. Hanggang sa nagising ako. Panaginip lang pala at nakahiga ako sa carpet ng kwarto ko sa baba ng kama. Hinahabol ang paghinga. Ang weird! Bakit ako nandito?


Pinilit kong tumayo at nagtaka kung bakit nasa baba ako nakahiga. Sumilip sa bintana pagtayo. Nakita ko ang isang babaeng naglalakad mula sa isang gusali. Nakaputi. Puting-puti. Binuksan n'ya ang gate ng likuran ng aming bahay. Sinong echosera 'to? At tumitig s'ya sa akin. Bzzzt! Nagulat ako! Bzzzt! Bzzzt! Heto na naman ang kakaibang tunog! Kinilabutan na ako. Nahiga ako sa kama. Bzzzt! Hindi na naman ako makahinga. Pinilit kong sumigaw. Pinilit kong magsalita. Pero hindi ko kaya. Walang lumalabas na boses sa aking bibig. Nagtaka ako kung nalumod ko ba ang dila ko. Hindi naman. Naisip kong marahil panaginip lang ang lahat. Nagising ako. Pagod na pagod. Sumilip ako sa bintana. Walang babaeng nakaputi at wala namang gusali sa aming likod-bahay. Kumpirmado! Panaginip lang ang lahat. Galing ko talaga!

Pero hindi pa rin ako mapakali. Naiisip ko ang kakaibang tunog. Lumipat ako sa kwarto ng mga magulang ko para makampante. Natulog ako sa tabi nila hanggang...Bzzzt! Bzzzt! Bzzzt! Leche! Heto na naman. Bzzzt! Ano bang nangyayari sakin. Pahaba nang pahaba ang mga tunog. Hindi na ako makahinga. Sumisigaw ako ng tulong pero wala pa ring sound ang boses ko. Patuloy pa rin ang kakaibang tunog. Mamamatay na yata ako. Huhuhu! Hindi pwede 'to! Hindi ko pa naa-update ang facebook ko! Hindi ko maimulat ang mga mata ko. Natigil ang kakaibang tunog. Hala! Ano nang nangyari?

Nagising ako! Nakayakap ako sa aking malaking unan na mas mataba pa sa akin. Nakapwestong kapareho nang ako'y matulog kanina. Omaygudnes! Panaginip na naman! Panaginip sa panaginip sa panaginip. Sosyal! Feeling ko tuloy ako si Leonardo Di Caprio sa movie n'ya na 'Inception'.

Matapos makumpirma na wala na ako sa loob ng panaginip at mag-emote-emote ng konti, napansin kong nakailaw ang cellphone ko na nasa tabi ng aking unan. Tingnan ko: "5 missed calls". Anak ng kabuteng unano! Vibration pala ng cellphone ko ang naririnig kong bzzzt na 'yon.

Lesson learned: 'Wag i-on ang vibrating alert ng cellphone. Nakakapraning. Bwiset!


1 comment: