10.2.11

Bus Torture? (Part 1)

      "Manong, sa tabi lang po!". Narinig ko ang boses ng isang babae mula sa pahuling parte ng bus. Agad kinuha ng konduktor ang pisong nakasiksik sa kanyang kanang tenga, hinawakan ng mahigpit na parang nagpipiga ng kalamansi, at ginamit pangkatok sa bakal na hawakan sa gitna ng bus. Isa. Dalawa. Tatlo. Tatlong sunud-sunod na taginting ng mga bakal. Biglang tinapakan ni manong drayber ang preno, na sinamahan pa niya ng pagkagat sa labi. Magkahalong pagkagulat, na parang nakakita ng floating kabaong, at panggigigil, na parang nagpipigil ng paglabas ng makapangyarihang utot, ang nakita ko sa mukha niya. Ilang sandali lang, napuno ang loob ng bus ng iba't ibang boses. Parang contest sa isang pyesta sa baranggay, palakasan ng sigaw. Narinig ko ang ilang pangalan ng mga santo. Ang iba pinaikli na lang, "Susmaryosep!". Oha! Shortcut nga naman. May isang ale namang sa dinami-rami ng pwedeng masabi eh 'yon pang X-rated, sabay takip ng mga kamay sa kanyang bibig na para bang hindi niya nakontrol ang pagbigkas ng mga oras na 'yon. Syempre hindi mawawala ang mga sumpa. Pero sa lahat ng ingay, nangibabaw ang pagkiskis ng apat na gulong ng bus sa aspaltong kalsada at ang boses ng isang lola na may tungkod na walang ibang nasabi kundi "Kabayo ka!".
      Isang biglang pagpreno! Mahigpit ang kapit ng kanan kong kamay sa bakal sa gitna ng bus, at ang kaliwa naman ay sa isang sandalan sa aking harapan para hindi ako tumalsik papunta sa unahan ng bus. Tagumpay naman ako. Nakatayo pa din akong nagte-text at inaalagaan ang poise, kahit na lampas kalahating oras na akong ganito ang posisyon sa gitna ng bus. Magaan naman ako kaya kayang-kaya kong kontrolin ang aking bigat. Kaya lang pinahirap ng isang babae sa aking likuran ang pagpipigil kong mapatilapon. Siguro kaedad ko lang siya, at kasingbigat. Kaya parang nadoble ang aking bigat nang mapayakap siya sakin sa pagpreno ng bus. Napunta sa harapan ko ang nakalugay niyang buhok kaya feeling ko tuloy ang haba-haba ng hair ko. Maayos ang pagkakakulot ng kanyang buhok at halatang pinakulayan ng brown. At kung sasabihin niya sakin na "Shinampoo ko lang 'yan!", hindi ako maniniwala. Pero okey lang, cute naman si Ate. Napatalsik ang hawak niyang wallet sa unahan. Purple 'yon na may floral design at may naka-drawing na malaking ulo ni Hello Kitty. Naisip ko tuloy kung ano nga ba ang hitsura ng katawan ni Hello Kitty. Nasundan ng mga mata ko ang pagtalsik ng wallet niya hanggang mapapunta 'yon sa may kanang paa ng isang lalaking naka-uniform pang-school na napayakap sa isang malaking plastik ng mga Boy Bawang sa kanyang harapan. Halos nakaluhod na siya at siguro, kung wala ang pinagsama-samang mga korniks sa kanyang harapan, napasudsod na ang ilong niya sa sahig ng bus. Salamat Boy Bawang! Siya nga pala ang lalaking nakatayo sa unahan ko. Hinigpitan ko ang aking bibig para pigilin ang pagtawa. Napansin ko din ang konduktor na gumagapang-gapang sa gitna ng bus at sinisilip ang bawat sulok. "Pucha! Tumalsik pa 'yung piso!" Lalo akong nahirapang magpigil ng tawa hanggang mabaling ang atensyon ko sa boses ng isang lalaki. "F#cking shit talaga!" Wow! Sosyal ng pagmumura. Pang stateside. Paglingon ko, nakita ko ang tindero na mais na bente pesos ang tatlo. Pinupulot niya ang mga nakabalot na mais na napatalsik din kung saan-saan habang paulit-ulit ang English version niya ng pagmumura. Madami-dami na ring naganap pero ramdam ko pa rin ang bigat ng babaeng nakasandal sa aking likuran. Nag-eenjoy? Yumuko ako para kunin ang wallet na may pagmumukha ni Hello Kitty, at para na rin ipa-realize kay Miss Cute na kanina pa natapos ang pagpreno. Nang makuha ko na, inikot ko ang wallet at nakita ko ang kadugsong na katawan ni Hello Kitty. Mali pala ang nasa isip ko. May naramdaman akong tumatalsik-talsik sa aking mukha. Pagtingala ko, nakita kong nagpapagpag ng polo ang lalaking nakayapos kanina sa mga Boy Bawang. Iniabot ko ang wallet sa may-ari. "Salamat. Ano bang nangyari?" Hindi ko alam kung nagmamaang-maangan siya o kung natutulog siya nang prumeno ang bus, pero naputol ang aking pagmumuni-muni. "Excuse po." Heto na ang babaeng nagpatigil ng bus. Estudyante din pala siya. Sa highschool siguro. Nakasabit sa kanyang kanang braso ang isang bag na may nakakabit na bakal na letrang 'G' sa gitna, at limang sliding folders naman na assorted ang kulay ang niyayakap ng kanyang kaliwang braso habang tinatahak niya ang obstacle course ng gitna ng bus. Nilakdangan niya ang isang asong puti na mukhang mamahalin ang breed. Pagkatapos ay ang dalawang karton na kulungan ng manok na hindi ko masilip kung may laman sa loob. May mga bagahe ng pasahero sa gitna, kasama na 'yong sa akin, at mismong mga pasahero. "Excuse po." Inulit na naman niya. Lumakad siya ng patagilid nang dumaan siya sa akin. Tumagilid naman ako para lumuwang ang daan. Sinundan ko siya ng tingin papunta sa unahan ng bus kung saan nandoon ang nag-iisang pinto palabas. Napansin ko ang mukha ng drayber dahil sa salamin na halos katapat na ng kanyang buhok na pinatirik na gel. Halata sa kanyang mukha ang pagkainip. Parang nanonood ng sineng hindi niya maintindihan ang takbo ng istorya. Katulad ng itsura mo ngayon, habang hinahanap mo ang kasagutan kung nararapat ba ang pamagat ng post na ito.

   Pagkababa ng pasahero, balik sa normal ang pagtakbo ng bus. Parang wala lang. Hindi ko naman pinagsisisihan na sumakay ako sa bus na ito. Mag-iisang oras na kasi akong nag-aabang pero wala pa ring dumadaang pampublikong sasakyan. Nai-imagine ko na ang mangyayari kung male-late ako sa una kong klase sa araw na 'yon. May long quiz kami. Hindi pwedeng hindi ko masagutan ang kalahati noon dahil na-late ako. Kaya nang may natanaw akong bus, itinaas ko kaagad ang aking kanang braso para mapansin agad ako ng drayber sakaling malabo man ang mata niya. Halos tumapat sa akin ang pintuan ng bus. Inialok ng konduktor ang kanyang kamay para buhatin ang aking mga gamit at nakangiti pa akong pumasok. Hanggang maramdaman ko na nawawala ang aking saya nang makita kong wala nang available na upuan at marami na ring nakatayo sa gitna. "Be careful what you wish for 'cause you just might get it. You just might get it. You just might get it." Haaay! Ilang bese ko bang kailangang matutunan 'to? No choice. Standing ovation na rin ako. Iniisip kong magdasal na lang na sana may nakaupong pasahero ang bumaba para makaranas naman ang pwet ko na umupo sa bus na ito. Isang oras ang byahe mula sa isang bayan na pinanggalingan ko papunta sa susunod na terminal. Good luck na lang sa'kin. Pumwesto ako sa bandang gitna ng bus. Sa ganitong parte palagi akong pumupunta. Para kung may bumundol man sa unahan o likuran ng bus, o pareho, safe pa rin ako sa gitna. Maliban na lang kung sobrang lakas ng impact at magmukha akong burger patty.
      Mga ilang minuto pa ang nakalipas ay nakaramdam na ako ng pangangalay at medyo sumasakit na ang aking mga kamay na halinhinan kong pinangkakapit sa bakal sa gitna ng bus. Kasabay pa n'yan ang pagte-text ng kabilang kamay na hindi nakahawak sa bakal. Sa mga sumunod na minuto, pinapadyak-padyak ko na ang aking mga paa para mawala ang pangangalay. Lumingon-lingon ako para tingnan kung ano ang hitsura ng ibang pasahero. Nakasimangot na ang mga nakatayo sa gitna. Mukhang mga bitter. Una ko nang nakita ang isang cute na babae sa aking likuran. Ngumiti lang ako nang makita kong nakatingin din siya sa akin. Nakakainggit ang ibang natutulog. May nagngungunguya ng mais, itlog penoy, at iba't ibang tinapay. May nagsa-sound trip. At ang mga nakaupo. Pare-pareho lang naman kami ng bayad. Life is so unfair! Pinagpatuloy ko ang pagmamasid, hanggang mapansin ko ang isang solid fan ni Michael Jacson, este Jackson pala, sa aking tapat.
Michael Jacson FOREVAH! Pindutin at tumagilid pakaliwa kung naduduling.
Itutuloy...(Novela serye ba ito? Hmmm...)


- Batang Reklamador

3 comments: