26.2.11

Bus Torture? (Ang Sikwel)


Can you meet me halfway,
Right at the borderline?
That's where I'm gonna wait
for you
I'll be lookin' out
night and day
Took my heart to the limit,
and this is where I stay

      Pinaglalaban ng aking isipan ang kantang 'yan habang nababalot ang buong lugar ng "Love The Way You Lie" ni Rihanna. Sa bawat tunog na pinakakawalan ng speaker, masasabi kong may kalumaan na ito. Parang napilitan lang mag-rap si Eminem habang may sipon. Mahigit kalahating oras na ang nakalipas pero nakatapak pa rin ang aking black leather shoes sa parehong lugar simula kanina. Sa kinakalawang na sahig na pinatungan ng manipis na sapin gawa sa goma. Sa gitna ng bus. Conscious pa rin ako sa poise ko kahit alam kong medyo bumagal ng takbo ng bus at madadagdagan pa ang tagal ng pagtayo ko dito. Pagkatapos kasi ng maeksenang pagpreno kanina ni manong drayber, nagdahan-dahan na siya sa pagpapatakbo ng bus para siguro ipakita sa mga nanlilisik na matang nakatitig sa kanya na maingat na siya sa pagmamaneho. Sa tingin ko, kating-kati na siyang takpan ang nakapinturang mensahe sa may pintuan ng bus na nagsasabing: "How's my driving?" at contact numbers ng operator at LTFRB. Sinuyod ko na naman ng tingin ng mga pasahero. Sino kaya sa kanila ang maglalakas-loob na itsismis ang mga kinauukulan? At mas mahalaga, sino kaya sa kanila ang naka-register sa Unlimited Texts? Kung hindi ka maka-relate sa mga salitang nababasa mo, malamang hindi mo pa nababasa ang unang parte ng istorya. Kung hindi pa nga, pindutin mo muna ang ebak. Wag kang mag-shortcut Brod! Masama sa kalusugan ang lahat ng instant.
      Ilang sadali pa ang lumipas nang matanaw ko ang paraiso. May isang maaliwalas at malawak na cottage na napapalibutan na puting tela, isang duyan na gawa sa nilalang rattan, mga ligaw na halamang gumagapang sa hindi mabilang na butil ng buhangin, at ang orange na araw na unti-unting sumasawsaw sa dagat. Idagdag pa ang isang maliit puno ng niyog na halatang dinagdag lang sa karatula gamit ang Photoshop. Oo. Karatula lang ng isang beach resort ang natatanaw ko. Sa ibaba ng karatula ay isang mensaheng maingat na inimprenta gamit ang itim na tinta. "You're just 1 kilometers away from the paradise." Hindi 'yan typographical error. Pinadami lang talaga nila ang isang kilometro. Medyo gumaan ang aking pakiramdam nang huminto ang bus sa tapat ng karatula. Hindi dahil sa maaliwalas na eksena ng sunset pero dahil ang karatulang ito ang palatandaan na nangangalahati na ako sa aking isang oras na byahe na sigurado akong hindi lang isang oras ang itatagal.


Can you meet me halfway,
Right at the borderline?
That's where I'm gonna wait
for you
I'll be lookin' out
night and day
Took my heart to the limit,
and this is where I stay

      Bumaba ang drayber at sinundan ng konduktor na desperado sa kanyang nawawalang piso. Dumiretso ang drayber sa pinakamalapit na sari-sari store at bumili ng isang stick ng sigarilyo. Habang ang konduktor ay humarap sa isang nilulumot na pader at nag-jingle, at nakihanay na rin ang ilang pasaherong malapit nang pumutok ang  pantog. Nang umalis na ang mga nakaharang sa pader, nabasa ko ang isang mensahe na ginamitan ng spray paint na pula. "BAWAL UMIHI DITO!" Sa ibaba ng mensahe ay isa pang mas maliit na mensahe na itim ang ginamit na pansulat. "Multa: P1, 000. Joke lang. hahaha" Masarap ang bawal, peksman. "May bakante nang upuan. Sunggaban mo na agad. Baka maunahan ka pa." narinig ko sa kaliwa kong tenga. "Huwag! May nakaupo d'yan. Umiihi lang." sabi naman sa kanan. Habang nakikipagtalo ako sa aking sarili at nilalabanan ang tukso, bumalik na ang pasaherong pansamantalang nagmamay-ari ng upuang aking pinagnanasaan. Haaay! Wala na. Umaasa na lang ako na madadagdagan ang aking height pagbaba ko sa bus na ito.
      Bumalik na ang lahat sa kani-kanilang pwesto sa bus. At biglang sumunggab ang isang babaeng maingay na tumalo sa garalgal na boses ni Katy Perry mula sa naghihingalong stereo. Nakasuot siya ng puting tee shirt na may malaking mukha ng isang lalaki. Sa taas ng litrato, nakasulat ang salitang "re-elect". May dala siyang isang stainless na planggana at hinating plastik na bote ng 1.5 litrong Coke na ginawang pantakal ng kanyang paninda. Nilagang mani. Isang plangganang nilagang mani. Dumakot siya ng nilagang mani. Isa. Dalawa. At ipinatong sa kandungan ng drayber na nakangiti sa kanya. "O, mani kayo d'yan!" Nabanat ang mga litid sa kanyang leeg sa kanyang pagsigaw. "Sino pa pong walang mani d'yan? Limang piso na lang po ang mani ko. Murang-mura lang! Natigang na kasi kanina pa ako pauli-uli." Ngumiti ang ilang green-minded. Kasama pala ako. "Mani po. Mani po kayo d'yan. Pang-utin habang nabyahe. Bili na po kayo ng mani ko pang-utin." Natigilan ako hanggang maisip ko na slang word pala ang "pang-utin" na parang synonymous din sa pang-itin, nguyain, papakin, atbp. Syempre. Iba ang impact ng salitang 'yan sa mga taong luntian ang pag-iisip. "Pwede pong tumawad, 'wag lang tumuwad. Mahirap tumuwad dito sa bus, siksikan." Lalong lumakas ang tawanan sa loob ng bus. Lalo nang nasapawan ang kantang "Teenage Dream" ng parang sinisipon na singer.
      "Pogi may mani ka na? Gusto mo ng sakin?" Umiling ako. Allergic ako sa mani. Habang nagtatakal ang tindera sa dulong parte ng bus, biglang humarurot ang bus. Kahit ako, hindi prepared. Buti na lang napakapit kaagad ako sa isang upuan. Sumigaw ang tindera ng mani. "Peste ka Jerick! Peste! Hindi pa ako nakakababa!" Jerick pala ang pangalan nitong drayber. Dali-daling tumakbo ang tindera papunta sa nag-iisang pintuan sa unahan ng bus. Biglang nag-slide ang harang sa pintuan. "Anak ng maning sumara! Palabasin mo ako peste ka!" Patuloy pa rin ang bus sa pag-andar habang mamamatay sa katatawa ang drayber at konduktor. Nakitawa ang ilang pasahero hanggang sumigaw ang konduktor. "May kotse sa kanan!" Heto na naman. Pakiramdam ko hinihigop ang kaluluwa ko papunta sa unahan ng bus habang kumikiskis ang preno sa gulong. Nang nagtagumpay ang preno, naramdaman ko ang pawis kong gumagapang mula sa aking likuran pababa. Medyo napalakad ako papunta sa unahan ng bus para hindi matumba. Paglingon ko sa kanan, nakita ko ang isang itim na kotse na muntik nang humalik ang ungos sa tagiliran ng bus. Sa parteng gitna. Sa may pwesto ko. Nang mga sandaling 'yon, nabali na ang theory ko sa mga ligtas na pwesto sa bus.
      Nasa crossing kami na korteng letter "Y". Nagmula ang bus sa kaliwa at ang kotse naman ay sa kanan. Parehong tatahakin ang pinag-isang kalsada. May masakit sa kaliwa kong braso. Nang ikutin ko, nakita ko ang mapulang bahagi na sa tingin ko ay napahampas sa isang sandalan. Sure na! Pasa na ito mamaya. Walang sumigaw sa pagkakataong ito. Busy ang lahat sa pagtawa sa hindi makalabas na tindera ng mani hanggang sumulpot na nga ang kotse. Bumukas ang pinto at sinakal muna ng tindera ng mani ang drayber bago lumabas. "Isusumbong kita Jerick kay bosing! Sasabihin kong in*y*t mo ako!" Nagtawanan na naman ang mga pasahero, pero mas kokonti. Bumalik na sa pagtakbo ang bus. At heto ako, nakatayo sa gitna ng bus at ina-appreciate ang life at ang kasabihan na "Ang babaeng hindi natutumba ay dating konduktora." Dahil sa aking pag-e-emote, hindi ko napansin kung anong nangyari sa mga tao sa paligid ko nang muntik na kaming madisgrasya. Ang babaeng yumakap sa akin kanina at ang lalaking yumakap sa mga Boy Bawang. Ewan kung anong ginawa nila ngayon. Ang napansin ko lang, lalong bumagal ang takbo ng bus at mainit na ang mga mata ko sa "How's my driving?" at sa mga numero sa baba nito. 'Wag na. Buhay pa naman ako. At nag-enjoy naman ako sa nakulong na magmamani.
      Labinlimang minuto pa ang nakalipas, naisipan kong iba-blog ko na lang ang pangyayaring ito para may mapala naman ako sa pagsakay ko sa trip to heaven/hell. Bukod sa fanatic ni Michael Jackson, binalak ko pang kumuha ng iba pang pictures. Wala akong masipat na interesting. At hayun. Nakaupo sa sahig ng drayber, nakakita ako ng isang lalaking feeling endorser ng sigarilyo. Okey na 'to. Binunot ko ang aking cellphone mula sa aking kaliwang bulsa at inihanda ang camera mode na patago. Itinutok ang lens sa likod ng lalaking aking pinupunterya. Click! Tsk...blurred. Malakas ang uga ng bus. Isa pa! Itinutok ko ulit. "Para po." Bababa na ang lalaking pinagkukuskusan ko ng bag ang mukha. Bababa na rin ang babaeng nakatayo sa aking likuran. May bakante nang upuan at ako ang pinakamalapit! Pero hindi ko pa nakukunan ng matinong shot ang lalaki at malapit na akong bumaba. Lumingon sa akin ang lalaking yumakap kanina sa mga Boy Bawang at parang nagtataka ang itsura niya. Ngumiti ako. Parang naging go signal 'yon para sa kanya para umupo sa bakanteng upuan. Haaay. At least wala nang nakaharang sa kukunan ko ng picture. Sinamantala ko ang paghinto ng bus. At click!

      Isang babae ang sumakay. Pag-akyat n'ya sa bus, parang nawala ang kanyang sigla. Siguro ganito rin ang itsura ko kanina. Nagpwesto s'ya sa pwesto kanina ng lalaking yumakap sa mga Boy Bawang. Umandar na ulit ang bus at habang bumibilis, napapalad ng hangin ang nakalugay na buhok ng babae sa aking harapan. Naaamoy ko ang buhok niya. Amoy shampoo. Sunsilk. Ganito rin ang naaamoy ko sa pinsan ko kapag bagong ligo siya. Nadagdagan ang bilis ng bus. Hanggang sumasampal na sa mukha ko ang kanyang buhok. Sinubukan kong umurong hanggang makatapak ako ng sapatos ng iba. May tao pa rin pala sa likuran ko. Sinubukan kong magsalita pero pagbuka ng bibig ko, pumasok ang ilang hibla ng buhok. Pwe! Pwe! Itinikom ko na lang ang aking bibig at tinaggal ang ilang hibla ng buhok na nasa labi ko pa. Ganito pala ang lasa ng Sunsilk. O ganito lang talaga ang lasa ng buhok?
      Natatanaw ko na ang convenience store. Ito ang palatandaan ko ng babaan. Haaay. Gusto ko nang makaalis dito ASAP. May biglang pumara. Mga lima ang bumaba. Kasama na ang babaeng nagpatikim sa akin ng kanyang buhok. Lumuwag na ang bus. Maraming nabakanteng upuan. Malapit na akong bumaba pero naisipan ko pa ring umupo. Wala akong katabi. Pag-upo ko nagulat ako sa kung anong sumulpot at gumalaw sa may kaliwa ko sa may bintana. Ngeh! Ahas? 'Yan kaagad ang naisip ko. Ulo ng puting aso kanina? Kamay ng snatcher? Multo? Agad akong lumingon na nakamulaga ang mga mata. Tinitigan ko ang nakasulpot at gumagalaw-galaw na bagay. Nang ma-realize ko kung ano ang nasa tabi ko, huminga ako ng malalim para bumagal ang tibok ng puso ko.


Phew! Paa lang pala ng nasa likuran ko. Bagong Q-tex pa. Kunan ko nga ng picture. Remembrans. My Gahd! Mamatay pa yata ako sa kaba dahil sa paa. Kailangan ko nang bawasan ang pagkakape ko. Wala pa yatang isang minuto ang pagkakaupo ko. Pumara na ako nang mapatapat ang bus sa convenience store. Parang nahigop ng mga paa ang ni-review ko para sa long quiz. Blanko ang isip ko habang naglalakad papunta sa susunod na sakayan. Nananakit ang mga hita.

The end. Taadaa! Haba 'no? Salamat at nakarating ka sa dulo. :)
- Batang Reklamador

5 comments:

  1. hahahahaha natuwa ako di ka parin pala nakamove on.. hahahaha

    ReplyDelete
  2. grabe ang hirap ng byahe ah... buti nlng may tindera na clown heheh kahit pano nakakwala ng stress ang banat nya..

    about the girl yucks tlagang sinampa ang paa sa upuan turn off yan pre

    ReplyDelete
  3. oo. feel at home lang. haha
    salamat sa pagbisita :)

    ReplyDelete
  4. I'm Sonja McDonell, 23, Swiss flight attendant with 13 overseas cities and many ideas in an emergency on board during a flight. All girls have their own dreams in all respects.
    sonjamcdonell@yahoo.com

    ReplyDelete