19.12.10

Ampon?

Dalawang linggo. Huling nakatikim ang blog na ito ng bagong post dalawang linggo na ang nakakaraan. Dalawang linggo na mula nang gumawa ako ng isang poll. Dahil feel na feel ko naman na malakas ako kay Papa God, hinayaan Niyang mauto ko ang dalawang tao na makilahok sa poll. (Tenkyu nga pala!) Pero naging mahirap pa rin ang kinalabasan. 50/50. Anak ng Tanging Ina! Pero kahit ganon I love you pa rin, Papa God!

Kaya naman naisipan kong magpalit ng banner. Christmas theme ang binabalak kong gawin pero ganyan ang kinalabasan dahil sa kung anu-anong natuklasan ko sa potosyap. Ayan tuloy, napa-OA. At halata namang hindi ko sinukat.

Sa dalawang linggo ng aking pananahimik ay titirisin ko na ang kutong matagal nang nag-aalay-lakad sa ulo ko. Nagsimula ito sa isang pageant na tawagin na lang nating Mr. & Ms. Churva.
Enjoy naman ako sa panonood hanggang may isang contestant ang pumukaw ng pansin sa lahat. OhMyPapaGod! Kahawig ko ang walangyang 'to. Pakiramdam ko tuloy pinanonood ko ang sarili ko. Unang pumasok sa kokote ko na baka may nangpossess sa katawan ko. At ang isa nama'y baka isa lang ito sa weirdo kong panaginip. Pero hindi. Hindi ito panaginip. Nararamdaman ko pa rin kasi ang kirot sa pwetan ko na dulot ng isang mapapel na push pin na naupuan ko. Lalo akong naguluhan nang may biglang umepal:

"Kapatid mo ba s'ya? Mukha kayong kambal."

Nagulantang ako sa aking narinig. (Insert Gus Abelgas' voice here.) Maay iidaadaagdaag naa namaan po taayo saa aatiing naakaalaap naa mgaa ebiidensyaa. (End Gus Abelgas' voice here. Masakit 'yan sa lalamunan, e.) Una, unico hijo ako. Ikalawa, uhm...ano pa nga ba? Basta madami 'yan. Madami akong naiisip na mga bagay na nagbibigay sa akin ng ideya na nasimot lang ako nina mudra at pudra mula sa rumaragasang baha. At ito nga ang latest. May umeeksena na parang kakambal ko.

Pag-uwi ko sa bahay, inikwento ko kay pudra ang aking nasaksihan at ito ang mga katagang pumawi sa aking mga pag-aalinlangan:

"Alam mo sa dami ng tao sa mundo, 'wag mong iisipin na ikaw lang ang pinagkalooban ng ganyang kagwapuhan. Itatak mo 'yan sa isip mo."

5 comments: