Sinusubukan kong ayusin ang sira nang may napansin akong 25 cents sa isang bukas na bulsa ng aking bag. Agad kong kinuha at ginawa kong mini flying saucer at tinapon sa labas ng bahay. Saan nga ba makakarating ang bente-singko sentimos sa panahong ito. Nababakas ko sa harap ng bag ang mga pekas at mga mantsa. Mantsa mula sa tumalsik na ketchup ng piniritong itlog. Mantsa mula sa tumulong sauce ng fish ball. Mantsa mula sa natunaw na ice cream. Mga mantsang kahit gamitan ng pinakamagaling sa mga nagsasapawang mga brands ng sabong panlaba ay may matitira pa ring marka. Meron ding mga lamuymoy ng mga sinulid na dulot ng aking kalikutan. Marahil ay napasabit sa nakausling ulo ng pako o di kaya naman ay nasobrahan na sa gamit kaya kapansin-pansin na ang kalumaan. Napansin ko rin ang dalawang maliit na butas na gawa naman ng kinalawang na karayom ng isang button pin na may nakalagay na "Pogi ako!". Pwede pa namang gamitin. Pero bakit ko naman ito pagtatiyagaan?
Naisipan kong pumunta sa mall. Pero teka! Ano bang bago? Araw-araw naman akong palakad-lakad dito. Halos kabisado ko na lahat ng sulok kaya sigurado ako kung nasaan nakalagay ang mga bags. Inuna ko ang 3rd floor. Mga pambatang bags ang nandito. Ayos! Mapapaboran ang pagka-isip-bata ko. Ooops! Nakita ko ang malalaking mga mata ni Luffy at ang tirik-tirik na buhok ni Naruto. Wala akong mapili!
Don't worry, may 2nd floor pa! Nandito talaga ang lahat ng klase ng bags. Nagmasid-masid. Humipo-hipo. Sinilip ang mga presyo. Nag-iwan lang ako ng mga fingerprints sa mga nakabingwit ng aking pansin. Wala pa rin akong mapili. Takte! 'Di bale, may mga bags pa rin sa 1st floor.
At tumapak na nga ako sa escalator pababa. Oh yeah! Yesss! YES! May nagustuhan na akong bag! Agad kong nilapitan at inobserbahan. Ayos! Sakto lang ang laki. May dating din ang itsura. At tiningnan ko ang presyo. Orange juice ko po! P699.75 ang nakalagay sa tag! Bente-sinko sentimos na lang, seven hundred pesos na. Naalala ko tuloy ang inihagis kong 25 cents. Okey lang naman sakin ang presyo pero mukhang kulang ang dala kong pera. Kung bibilhin ko 'to, mapipilitan akong isang linggong maglakad pauwi. O kaya naman isang linggong lulumud-lumod na lang ako sa pagtitig sa paborito kong merienda. Tsk tsk. Delikadong magkulang ang budget ko. Next week na nga lang ako bibili. Siguradong sobra-sobra pa ang pera ko. Kaya binulungan ko na lang ang bag. "Babalikan kita! Walang pwedeng bumili sa'yo. Ako lang! AKO!" (Evil laugh.)
Martes. Miyerkules. Huwebes. Biyernes. Araw-araw kong binibisita ang natitipuhan kong bag pagkagaling sa school para makasiguradong hindi pa ito nabibili. Swerte naman! Nandoon pa rin.
Sabado. Linggo. (Teka muna! Kung inaakala mong tungkol sa isang linggong pag-ibig ang binabasa mo, nagkakamali ka.) Hindi na ako nag-abalang pumunta sa mall. Pinagdasal ko na lang ang bag.
Lunes ulit. Yahoo! Mainit-init pa ang weekly allowance ko. Nagbukod agad ako ng P700. Pumunta na naman ako sa mall. Pero pagpasok ko, napansin ko ang sunud-sunod na mga posters. Sale ang lahat ng items sa Huwebes. Sige hihintayin ko na lang ang Huwebes. Sayang din naman ang discount. Pambili rin 'yon ng palamig na puro yelo.
Zzzzzzzzzt! Fast forward to Huwebes. Mall na naman ang destinasyon ko as usual. At nandoon pa rin ang sinumpaan kong bag. Wala pang nag-iinteres na bilhin. Gumana yata ang mga orasyon ko. Kukunin ko na ba? Teka! Parang nagdadalawang-isip pa ako. Hinayupak! Ano ba naman 'to? Naglibut-libot muna ako at naka-spot ng iba pang bags. Iba't iba ang mga presyo. May P300. May P800. At may nakita pa akong P200 lang. Napaisip ako bigla. Kung ito na lang ang bibilhin ko, malaki-laki rin ang matitipid ko. Pero wala rin naman akong ibang balak gawin sa tinipid-tipid kong pera. Bakit ko ba kailangang magtipid? May supplier naman ako ng allowance. Hehe.
Binili ko ang bag. "P699.75". Nabawasan pa ng ilang percent na diskwento. Masaya naman ako. Nakuha ko na ang gusto ko. Yehey!
Lumabas na ako ng mall. Paduyan-duyan sa kaliwa kong kamay ang plastic ng bagong bili kong bag. Naglakad-lakad ako patungo sa siksikang sakayan. Hindi pa ako nakakalayo nang mapansin ko ang dalawang batang nasa gilid ng isang gusali. Waring nasa edad na naghahanda pa lamang sa pagbibinata. Ang isa'y nakaupo't nakasandal sa pader. Ang isa nama'y nakalupagi sa magaspang at maalikabok na simento. Habang papalapit ako'y mas nakita ko ang mga dungis ng kanilang mukha at katawan. Pati na rin ang kanilang sira-sirang damit na para nang basahan ang itsura. Ang batang nakasandal sa pader ay nakapikit. Pilit ipinipikit ang kanyang mga mata habang may maliliit na mga patak ng luha ang umaagos sa pisngi n'ya. Hawak ng kanang kamay ang isang walang lamang lata ng San Marino Corned Tuna. Ang isa namang bata ay hinihimas ang kanyang tiyan at parang namimilipit sa sakit. Pasipa-sipa ang kanyang mga binti. Nang mapatapat ako sa kanila, hindi ko mapigilang tumitig. Inihambing ko ang aking kalagayan sa kanila. Napatingin ako sa bagong bili kong bag. At sa mga oras na 'yon, ikinakahiya ko ang aking sarili.
Ang nag-eemote,
weee... ibigay mo nalang ang bag... wahehehe
ReplyDeletetama! :D
ReplyDelete