21.4.11

Huwebes Santo



Wan: Pare ano nga bang Ingles sa Mahal na Araw?
Tu: Semana Santa, pare.
Wan: English nga, eh. English.
Tu: Eh di...Holy Week. Hina mo naman, eh.
Wan: Ano bang tagalog sa "week"?
Tu: Linggo.
Wan: Eh bakit "Mahal na Araw"?
Tu: Aba, ewan. Leche!

---

Oooopppsss...! Pasensya nga pala sa matumal kong posts...sa mga comments na walang reply...sa ini-stalk kong blogs na hindi ko na mabisita...atbp. Mahirap maging cute...peksman!

500...1000...1500...2000...2100...2200...2300...2320! Kung isasali ang sampum piso ko sa bulsa, bale P2, 330 ang dala kong pera. Isinuksok ko ulit ang wallet sa likurang bulsa at inibutones para nakaw-proof. Dumaan ako sa gilid ng simbahan papunta sa likuran. Habang nag-eemote ang mga mata ko sa reflection ng sikat ng araw, may biglang nagsalita. "Totoy!" Hindi ko sinundan ang boses. Sa dami ng totoy sa mundo, bakit ako lilingon? Sayang ang effort. "Totoy!" OK, sige na nga lilingon na ako.

Ako nga ang tinatawag ng matandang babae. Nakasuot siya ng checkered polo at leggings. May bakal na tukod na may apat na paa pero dalawa lang ang may goma. Nakaupo malapit sa isa sa mga haligi ng lugar at may hawak na plastik. Mukhang ordinaryong tao lang na nakikipag-chat kay Papa God. "Mamamalimos ako sa'yo." Nabibingi ba ako? Sa get-up nya, pwede na nga siyang commercial model ng Arthro. "Ano po?" Makalapit para mas malinaw. "Mamamalimos ako." Ganoon talaga ang pakinig ko. Ang hina kasi ng boses ni lola. Parang nagtsitsismis lang ng buhay ni PNoy.

Kinapa ko ang bulsa ko para makuha ko ang sampum pisong barya. Kanan...wala. Kaliwa...wala. Likod...wala rin. "Wala po akong barya, eh. Pasensya na po." Naisipan kong ibigay ang P20 sa wallet ko nang mapagmasdan ko ang hawak n'yang plastik. Kulay puti. Red ang design. May drawing na echoserang bubuyog na bumabagabag sa isipan ko noong bata pa ako. Walang duda...si Jollibee nga!

27.3.11

What's This?

Matapos ang mahabang panahon ng pananahimik, at kasabay ng muling pagsulpot ni Papa Ping, heto akong muli. Sa aking paglalakbay patungong sari-sari store upang bumili ng isang sachet ng 3-in-1 coffee with brown sugar, nakasipat ako ng isang maliit na kumikinang, colorful at gumagalaw na churba. Nilapitan ko at tinitigan ang akala ko'y laruang naiwan ng isang bata. Hayop! Hayop nga! Hayop talaga! Nangibabaw sa aking sarili ang isang mausisang bata at napagtripan kong kumuha ng garapon ng Cheeze Whiz at nagbalak magkaroon ng bagong pet. At isa pa, para ma-Kodakan at maitanong sa inyo kung anong klaseng hayop ito. Ano nga ba? Baka nga alam mo. Mamats!

26.2.11

Bus Torture? (Ang Sikwel)


Can you meet me halfway,
Right at the borderline?
That's where I'm gonna wait
for you
I'll be lookin' out
night and day
Took my heart to the limit,
and this is where I stay

      Pinaglalaban ng aking isipan ang kantang 'yan habang nababalot ang buong lugar ng "Love The Way You Lie" ni Rihanna. Sa bawat tunog na pinakakawalan ng speaker, masasabi kong may kalumaan na ito. Parang napilitan lang mag-rap si Eminem habang may sipon. Mahigit kalahating oras na ang nakalipas pero nakatapak pa rin ang aking black leather shoes sa parehong lugar simula kanina. Sa kinakalawang na sahig na pinatungan ng manipis na sapin gawa sa goma. Sa gitna ng bus. Conscious pa rin ako sa poise ko kahit alam kong medyo bumagal ng takbo ng bus at madadagdagan pa ang tagal ng pagtayo ko dito. Pagkatapos kasi ng maeksenang pagpreno kanina ni manong drayber, nagdahan-dahan na siya sa pagpapatakbo ng bus para siguro ipakita sa mga nanlilisik na matang nakatitig sa kanya na maingat na siya sa pagmamaneho. Sa tingin ko, kating-kati na siyang takpan ang nakapinturang mensahe sa may pintuan ng bus na nagsasabing: "How's my driving?" at contact numbers ng operator at LTFRB. Sinuyod ko na naman ng tingin ng mga pasahero. Sino kaya sa kanila ang maglalakas-loob na itsismis ang mga kinauukulan? At mas mahalaga, sino kaya sa kanila ang naka-register sa Unlimited Texts? Kung hindi ka maka-relate sa mga salitang nababasa mo, malamang hindi mo pa nababasa ang unang parte ng istorya. Kung hindi pa nga, pindutin mo muna ang ebak. Wag kang mag-shortcut Brod! Masama sa kalusugan ang lahat ng instant.
      Ilang sadali pa ang lumipas nang matanaw ko ang paraiso. May isang maaliwalas at malawak na cottage na napapalibutan na puting tela, isang duyan na gawa sa nilalang rattan, mga ligaw na halamang gumagapang sa hindi mabilang na butil ng buhangin, at ang orange na araw na unti-unting sumasawsaw sa dagat. Idagdag pa ang isang maliit puno ng niyog na halatang dinagdag lang sa karatula gamit ang Photoshop. Oo. Karatula lang ng isang beach resort ang natatanaw ko. Sa ibaba ng karatula ay isang mensaheng maingat na inimprenta gamit ang itim na tinta. "You're just 1 kilometers away from the paradise." Hindi 'yan typographical error. Pinadami lang talaga nila ang isang kilometro. Medyo gumaan ang aking pakiramdam nang huminto ang bus sa tapat ng karatula. Hindi dahil sa maaliwalas na eksena ng sunset pero dahil ang karatulang ito ang palatandaan na nangangalahati na ako sa aking isang oras na byahe na sigurado akong hindi lang isang oras ang itatagal.

10.2.11

Bus Torture? (Part 1)

      "Manong, sa tabi lang po!". Narinig ko ang boses ng isang babae mula sa pahuling parte ng bus. Agad kinuha ng konduktor ang pisong nakasiksik sa kanyang kanang tenga, hinawakan ng mahigpit na parang nagpipiga ng kalamansi, at ginamit pangkatok sa bakal na hawakan sa gitna ng bus. Isa. Dalawa. Tatlo. Tatlong sunud-sunod na taginting ng mga bakal. Biglang tinapakan ni manong drayber ang preno, na sinamahan pa niya ng pagkagat sa labi. Magkahalong pagkagulat, na parang nakakita ng floating kabaong, at panggigigil, na parang nagpipigil ng paglabas ng makapangyarihang utot, ang nakita ko sa mukha niya. Ilang sandali lang, napuno ang loob ng bus ng iba't ibang boses. Parang contest sa isang pyesta sa baranggay, palakasan ng sigaw. Narinig ko ang ilang pangalan ng mga santo. Ang iba pinaikli na lang, "Susmaryosep!". Oha! Shortcut nga naman. May isang ale namang sa dinami-rami ng pwedeng masabi eh 'yon pang X-rated, sabay takip ng mga kamay sa kanyang bibig na para bang hindi niya nakontrol ang pagbigkas ng mga oras na 'yon. Syempre hindi mawawala ang mga sumpa. Pero sa lahat ng ingay, nangibabaw ang pagkiskis ng apat na gulong ng bus sa aspaltong kalsada at ang boses ng isang lola na may tungkod na walang ibang nasabi kundi "Kabayo ka!".
      Isang biglang pagpreno! Mahigpit ang kapit ng kanan kong kamay sa bakal sa gitna ng bus, at ang kaliwa naman ay sa isang sandalan sa aking harapan para hindi ako tumalsik papunta sa unahan ng bus. Tagumpay naman ako. Nakatayo pa din akong nagte-text at inaalagaan ang poise, kahit na lampas kalahating oras na akong ganito ang posisyon sa gitna ng bus. Magaan naman ako kaya kayang-kaya kong kontrolin ang aking bigat. Kaya lang pinahirap ng isang babae sa aking likuran ang pagpipigil kong mapatilapon. Siguro kaedad ko lang siya, at kasingbigat. Kaya parang nadoble ang aking bigat nang mapayakap siya sakin sa pagpreno ng bus. Napunta sa harapan ko ang nakalugay niyang buhok kaya feeling ko tuloy ang haba-haba ng hair ko. Maayos ang pagkakakulot ng kanyang buhok at halatang pinakulayan ng brown. At kung sasabihin niya sakin na "Shinampoo ko lang 'yan!", hindi ako maniniwala. Pero okey lang, cute naman si Ate. Napatalsik ang hawak niyang wallet sa unahan. Purple 'yon na may floral design at may naka-drawing na malaking ulo ni Hello Kitty. Naisip ko tuloy kung ano nga ba ang hitsura ng katawan ni Hello Kitty. Nasundan ng mga mata ko ang pagtalsik ng wallet niya hanggang mapapunta 'yon sa may kanang paa ng isang lalaking naka-uniform pang-school na napayakap sa isang malaking plastik ng mga Boy Bawang sa kanyang harapan. Halos nakaluhod na siya at siguro, kung wala ang pinagsama-samang mga korniks sa kanyang harapan, napasudsod na ang ilong niya sa sahig ng bus. Salamat Boy Bawang! Siya nga pala ang lalaking nakatayo sa unahan ko. Hinigpitan ko ang aking bibig para pigilin ang pagtawa. Napansin ko din ang konduktor na gumagapang-gapang sa gitna ng bus at sinisilip ang bawat sulok. "Pucha! Tumalsik pa 'yung piso!" Lalo akong nahirapang magpigil ng tawa hanggang mabaling ang atensyon ko sa boses ng isang lalaki. "F#cking shit talaga!" Wow! Sosyal ng pagmumura. Pang stateside. Paglingon ko, nakita ko ang tindero na mais na bente pesos ang tatlo. Pinupulot niya ang mga nakabalot na mais na napatalsik din kung saan-saan habang paulit-ulit ang English version niya ng pagmumura. Madami-dami na ring naganap pero ramdam ko pa rin ang bigat ng babaeng nakasandal sa aking likuran. Nag-eenjoy? Yumuko ako para kunin ang wallet na may pagmumukha ni Hello Kitty, at para na rin ipa-realize kay Miss Cute na kanina pa natapos ang pagpreno. Nang makuha ko na, inikot ko ang wallet at nakita ko ang kadugsong na katawan ni Hello Kitty. Mali pala ang nasa isip ko. May naramdaman akong tumatalsik-talsik sa aking mukha. Pagtingala ko, nakita kong nagpapagpag ng polo ang lalaking nakayapos kanina sa mga Boy Bawang. Iniabot ko ang wallet sa may-ari. "Salamat. Ano bang nangyari?" Hindi ko alam kung nagmamaang-maangan siya o kung natutulog siya nang prumeno ang bus, pero naputol ang aking pagmumuni-muni. "Excuse po." Heto na ang babaeng nagpatigil ng bus. Estudyante din pala siya. Sa highschool siguro. Nakasabit sa kanyang kanang braso ang isang bag na may nakakabit na bakal na letrang 'G' sa gitna, at limang sliding folders naman na assorted ang kulay ang niyayakap ng kanyang kaliwang braso habang tinatahak niya ang obstacle course ng gitna ng bus. Nilakdangan niya ang isang asong puti na mukhang mamahalin ang breed. Pagkatapos ay ang dalawang karton na kulungan ng manok na hindi ko masilip kung may laman sa loob. May mga bagahe ng pasahero sa gitna, kasama na 'yong sa akin, at mismong mga pasahero. "Excuse po." Inulit na naman niya. Lumakad siya ng patagilid nang dumaan siya sa akin. Tumagilid naman ako para lumuwang ang daan. Sinundan ko siya ng tingin papunta sa unahan ng bus kung saan nandoon ang nag-iisang pinto palabas. Napansin ko ang mukha ng drayber dahil sa salamin na halos katapat na ng kanyang buhok na pinatirik na gel. Halata sa kanyang mukha ang pagkainip. Parang nanonood ng sineng hindi niya maintindihan ang takbo ng istorya. Katulad ng itsura mo ngayon, habang hinahanap mo ang kasagutan kung nararapat ba ang pamagat ng post na ito.

24.1.11

Ang SMP at Ang Bagong Hairstyle

Teka. Bago ka magbasa, gusto ko lang sabihin na medyo offensive ang post na ito.

Tinulak ko...Blag!!!

Nagtinginan ang mga tao sa loob. Napatungo ako at saka ko lang napansin ang mga karatulang nakasabit. "Welcome. We're open." at "PULL". As usual, dinaan ko na lang sa ngiti ang lahat. Nagsayawan at nag-umpugan ang mga nakabiting bakal ng wind chime sa pagbukas ko ng salaming pintuan.

Actually, first time kong magpagupit ng buhok sa isang salon. Nasanay ako sa mga barber shops d'yan lang sa tabi-tabi.

"Good evening, Sir."

May tatlong lalaki sa loob. Isang nagpapagupit at dalawang nakaupo lang sa waiting area at nakatitig sa kawalan. May tatlo ring babae. Sa suot nila, masasabi kong dito sila nagtatrabaho. Relax na relax lang sila na nakalupagi at nagtsitsismisan. Bukod sa mga nabanggit, walang ibang laman ang salon na 'yon kundi mga hair stylists - mahahaba ang buhok ng ilan, nakapuyod, naka-make-up, nakasuot ng damit pambabae. Lahat sila, bading.

"Haircut po."

Ikinumpas ng isa ang kanyang kamay na waring inaalok sa akin ang isang bakanteng upuan. Sa hitsura niya, masasabi kong nasa pagitan siya ng trenta at kwarenta. Lumapit ako. Umupo. Tinanong kung anong gupit ang gusto ko. At sinimulan na n'yang gamitin ang gunting sa kanyang kamay.

Naiingayan ako sa paligid. Nakakarinig ako ng maseselang mga salita. Bastos at hindi katanggap-tanggap sa pandinig ng ilan. Mga salitang kung sasambitin ko sa harap ng lola ko, plaster ang hahalik sa aking mga labi - at samahan pa ng ilang sumpa. Mga salitang mapapasama ang blog na ito sa +18 category kung sasabihin ko pa. At ilang pagpapalitan ng mga salitang hindi ko alam ang kahulugan. Sabi ko nga, sanay ako sa mga barbero. Magsasalita lang sila kung may bagong laban si Manny Pacquiao o kung may exciting na nangyayari sa pinapanood nila sa TV. Medyo, nabago ang mood ko sa mga naririnig ko. Gusto kong lumabas na lang ng tahimik para takasan ang lahat. Pero teka! Ayoko namang mag-ala model sa gitna ng kalsada na isang side pa lang ng ulo ko ang nagugupitan. Baka biglang makita ko si crush, mahirap na. At isa pa, ano bang ikaiinis ko. Wala naman, 'di ba? Wala nga ba dapat?

Kinakausap ako paminsan-minsan ng nagpapaiksi ng buhok ko. Sa kalagitnaan ng kanyang ginagawa, tinanong n'ya ako.

"Alam mo ba kung ano ang SMP, baby?"

Ayoko ng tawag n'ya sakin. Pero sa sinabi n'ya, naisip ko ang iced tea TV ad ni Neil Coleta. Na-imagine ko tuloy ang script na na-memorize ko na dahil palagi kong naririnig. Pero mali pala ako.

"Samahan ng Mga Paminta!"

Ano daw? Hindi ko na-gets. Buti may kadugsong na explanation.

"Mga nagro-robot-robotan. Ang popogi. Ang ma-macho. 'Yun pala churvalu! Nakakainis!"

Medyo na-gets ko ang ibig n'yang sabihin. Nakakainis. Pareho lang kaming naiinis. Siya sa mga tinatawag niyang paminta. At ako naman sa pagpasok ko sa salon na ito. Parehong hindi ko alam kung bakit.

***

Whooosh! Flashback.

"In a single word, ano ang ayaw n'yo sa mga bading?"

23.1.11

Txt Scams

Notice: Your sim # have
won P850,000
FROM: Central Bank of
the Philippines. Handog
pangkabuhayan
ni (PBNNA). to claim ur
prize call me now. I'm
Sec. Marciano S. Pineda.
Per DTI permit #
8912 s' of 2011.
From: +639122799867 (Unknown)


Yeah, right!

  • Wawa naman ng Banko Sentral ng Pilipinas. Mobile number ng Secretary nila ang ginagamit sa transactions. Ganito na ba kahirap ang Pilipinas?
  • Kailangan yata nilang i-take ulit ang EN101 class.
  • In fairness, freshness! Kumpleto pati DTI permit number. Ano yun, favorite numbers n'yo?
  • Wait a sec! Anong PBBNA?
  • Nagra-raffle na pala ang Bangko Sentral ng mga sim numbers? Hell, asensado na! Dati pagpi-print lang ng bagong bank notes ang alam kong pinagkakaabalahan nila.
Heto pang isa.